Menu
arts & culture
 

Photo from www.nolisoli.ph

Kagitingan at Paninindigan: Isang Munting Tawag sa Araw ng Kagitingan

Ipinag-diriwang ngayong araw ang ika-77 pag-gunita sa Araw ng Kagitingan. Sa bisa ng Republic Act 3022, idineklara bilang Araw ng Bataan ang Abril 9. Pinalitan ng Executive Order 203 ang ngalan ng Araw ng Bataan sa kasalukuyang bansag rito. Maliban sa Araw ng Kagitingan, ang Araw ng mga Beterano ay ipinagbibigay pugay 2 araw makatapos. Noong dekada sitenta, ay ipinatayo ang Mt. Samat Shrine kung saan ay ipinapakita sa tanghalan ang mga pangyayari noong labanan sa Bataan. Ang pagbibigay respeto ng mga taumbayan rin ay ginagawa sa pagbibigay ng oras ng katahimikan bilang pag-galang tuwing ika-4:30 ng hapon sa araw na ito.

Kaiba sa pag-gunita ng Araw ng Kagitingan ay ang pag-gunita ng pagkatalo. Bakit nga ba itinuturing na isang (holiday) ang isang bagay na dapat ipinaglulugmok?

Isang Maikling Buod ng Pagbagsak ng Bataan
Noong ika-6 ng Enero 1942, tuluyang nagwagi ang puwersa ng Imperyo ng Hapon laban sa Pilipinas at Amerika na naka-base sa Corregidor.

Mahigit pitumpu’t pitong libong mga sundalo ay pilit na pinalakad ng isang daang kilometro patungo ng Tarlac ng walang tubig, pagkain, o pahinga. Mga anim na pu’t libo lamang ang buhay na nakatapos ng martsa ngunit sila rin ay ikinulong pagkatapos. Sa kasaysayan ng Pilipinas, ang Bataan Death March ay ang nagdulot ng pinakamadaming kasawian dulot ng digmaan.

Ang Araw ng Kagitingan ay Pag-tawag na Manindigan
Pitungput-pitong taon matapos ang pagbagsak ng Bataan at Corregidor, patuloy na hinihimok ang bawat Pilipino na ipagtanggol mula sa mang-aapi ang Inang-Bayan. Sa kasalukuyan, unti-unting inaangkin ng bagong kapangyarihang-dayuhan ang mga isla ng bansa. Sa kabila ng paglalapastangan sa kasarinlan ng bayan, nagbubulagbulagan at nagbibingi-bingihan ang pamahalaan na dapat sana’y tumututol rito. Tila ay kusang-loob na ibinibigay ng mga namamahala ang ating kasarinlan at ipinagpapalit ang ating pagkakakilanlan bilang Pilipino. Sariling hinahayaan na tayo ay apiin. Tayo ay naging tuta tumatango sa mga utos at kagustuhan ng dayuhan kahit alam nating hindi ikabubuti. Kalikasan ay isinisira, pamumuhay ay sa iba ibinibigay, at kahit pambabastos sa ating kapwa ay inililiko lamang ang pisngi. Sariling ibinubulag ang Pilipino sa katotohanan.

Sa mga pagkakataon na ito, ang responsibilidad na tutulan ang lantaran na pananakop ay dapat akuin ng bawat isang mamamayan. Hindi nga ba’t kahit sa pag-awit ng Pambansang Awit, ating isinasaad ang tungkulin na ito? Aming ligaya na ‘pag may mang-aapi; Ang mamatay nang dahil sa ‘yo.

Ang kasaysayan ng Pilipinas ay isang kasaysayan ng pagtataguyod ng kalayaan at kasarinlan — isang kasaysayan ng pag-bubuwis ng buhay para sa mga ideya na higit pa sa sarili. Ang kalayaan na atin ngayong tinatamasa ay ating utang na loob sa mga Pilipinong nauna sa atin. Utang natin sakanila na manindigan ngayong Araw ng Kagitingan at sa bawat araw ng taon, na ipaglaban ang kalayaan na minithi ng 66,000 na Pilipinong ‘di na gumising sa isang malayang Inang-Bayan.

Sa salita ng ating panata: “Iniibig ko ang Pilipinas, aking lupang sinilangan. I-aalay ko ang aking buhay, pangarap, at pagsisikap sa bansang Pilipinas.”

Ang tawag na ito na manindigan ay hindi tawag na muling makidigma. Higit-kumulang isang buwan mula ngayon, magaganap ang susunod na halalan. Maging mapanuri tayo at nawa’y ilagay sa posisyon ng kapangyarihan ang mga lingkod-bayan na ipaglalaban ang ating kalayaan ng naayon sa batas — mga lingkod-bayan na patuloy na isasabuhay ang Diwa ng Bataan.

196 total views, 2 views today

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*